KALISKIS NA ULAP

Tungkol Sa Kaliskis na Ulap

Bakit “Kaliskis na Ulap”?

“Kaliskis na Ulap” ang katumbas ng “mackerel sky” sa Ingles. “Mackerel sky” ang karaniwang tawag ng mga Ingles sa langit na pinuno ng mga hilera ng ulap na altocumulus at cirrocumulus na namumuo tuwing may nagbabadyang sama ng panahon. “Mackerel sky” ang tawag sa ganitong uri ng langit dahil ang mga hilera ng ulap ay mala-kaliskis ng isdang “mackerel” o alumahan.

Walang eksaktong katumbas ang terminong ito sa Filipino. Ang literal na salin nito na “alumahang langit” ay hindi ginagamit. Ilang ulit binanggit ni Thoreau ang terminong ito sa kaniyang talaarawan kaya hinanapan ko talaga ito ng katumbas.

Habang nasa gitna ng beach outing sa Batangas, ipinakita ko ang ilang larawan ng “mackerel sky” sa punong-abala naming mangingisda. Nung tinanong ko siya kung ano ang tawag nila sa ganitong uri ng langit, ito lamang ang sinagot niya: “Kapag ganiyang may kaliskis na ulap, kailangan raw pumalaot sabi ng matatanda, at maraming mahuhuli.”

Sino si Thoreau?

Thoreau

Si “Henry David Thoreau” (Hulyo 12, 1817–Mayo 6, 1862) ay isang Amerikanong naturalista, mananalaysay, pilosopo, at makata. Pinakakilala siya bilang ang may-akda ng librong Walden—isang pagmumuni-muni tungkol sa payak na pamumuhay sa gitna ng kalikasan. Isunulat ni Thoreau ang librong ito habang nakatira sa isang maliit na bahay sa gilid ng lawa ng Walden sa Concord Massachusetts mula Hulyo 4, 1845 hanggang Septyembre 6, 1847.

Simpleng tao lamang si Thoreau. Walang kayamanang nalikom habang siya’y nabubuhay. Nagtrabaho siya bilang surbeyor ng mga lote upang may panustos sa araw-araw. Hindi nag-asawa’t nagkaanak si Thoreau. Ang tanging ligaya niya ay ang maglakad sa gitna ng malalawak na parang, sa ilalim ng naglalakihang mga puno sa kagubatan, at sa tuktok ng matatayog na bundok. Doon siya tunay na nabuhay.

Mula Oktubre 22, 1837 noong siya ay 20 años pa lamang hanggang sa kaniyang pagpanaw noong Mayo 6, 1862, sa edad na 45, itinala ni Thoreau ang kaniyang mga naisip at nakita sa kaniyang paglalakad at pagmumuni-muni sa ilang piraso ng mga kuwaderno na ngayo’y iniingatan sa iba’t-ibang museo sa Estados Unidos.

Layon ng website na ito na maisalin ang ilang piraso ng talaarawan at iba pang mga sulat ni Thoreau sa Filipino.

Paano ka makatutulong?

Ang mga salin ng talaarawan ni Thoreau na makikita sa website na ito ay pawang mga unang burador pa lamang. Nakalimbag na sila sa website bago pa man magkaroon ng libro upang makita ng lahat. Inaanyayahan ang sinumang interesado at may kaalaman sa pagsasalin o sinumang nais matuto at magsanay sa pagsasalin na tumulong. May “comments” section ang bawat salin na maaring mapaglagyan ng anumang mungkahi o feedback tungkol sa salin.

Upang basahin at magcomment sa mga salin, i-click lamang ang nasa baba:

Mga Salin

Sino ang pasimuno ng website na ito?

Ako si “Vince Imbat”, isang naglalakad na manunulat. Una akong nawili kay Thoreau pagkatapos basahin ang talambuhay niyang isinulat ni Laura Dassow Walls—“Henry David Thoreau: A Life”. Pagkatapos non, sinimulan kong basahin ang kaniyang talaarawan at isalin ang ilang linyang nagustuhan ko noong 2020. Ibinahagi ko ang mga salin kasama ang ilang larawang kuha ko sa “Instagram”.

May nais ka bang sabihin tungkol sa website at sa mga laman nito? Kahit ano pa yan, huwag kang mahiya. Mag-email ka lang sa [email protected].